Jeepney modernization, ikinakabahala na ipinipilit ngayong may COVID-19

Ikinakabahala ng isang kongresista na posibleng nagagamit ang COVID-19 pandemic para ipatupad ang jeepney modernization.

Sa virtual hearing ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ng Vice Chair ng komite at Caloocan Representative Edgar Erice na may mga sumbong na nakarating sa kanyang tanggapan mula sa mga jeepney driver na sinasakyan umano ng Department of Transportation (DOTr) ang nangyayaring krisis para bigyang daan ang 100% implementation ng jeepney modernization program.

Himutok ng mga jeepney driver ay hirap na hirap na sila sa pagkawala ng hanapbuhay ngayong may pandemya at dumagdag pa ang balak na pagtutulak sa modernisasyon ng mga jeepney.


Ilan sa mga kinakaharap na suliranin ng mga driver ay ang red tape, problema sa pautang sa bangko, at ibang hinihinging requirements ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) gayundin ang mga papayagang ruta sa ilalim ng programa.

Pinuna pa ng mambabatas na ang estratehiyang ginamit sa transportasyon ay pabor sa mga ‘may-kaya’ o mga may sasakyan na nagresulta sa pagdagsa ng mga private car sa lansangan at pagkakaroon ng mabigat na trapiko.

Habang sa public transportation ay limitado lamang dahil sa ipinatutupad na 50% reduced capacity at nakakailang sakay pa ang mga commuters ng bus bago makarating sa kanilang pupuntahan.

Facebook Comments