JEEPNEY MODERNIZATION | Ilang operator ng jeep, inaming nahihirapang makautang sa mga bangko ng gobyerno

Manila, Philippines – Inireklamo ng ilang operator ng jeep sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development ang hirap nila na makautang sa bangkong pag-aari ng gobyerno.

Kailangan kasi nilang maglabas ng pera para makabili ng makabagong jeep na akma sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

Ayon naman kay Transportation Undersecretary Thomas Orbos, handa ang DBP at Land Bank na magpautang pero kailangan muna nilang sumailalim sa pagsasanay ng DOTr sa fleet management.


Iminungkahi naman ni Rep. Winston Castelo, Chairman ng komite na palawigin ang implementation period ng programa ng hanggang pitong taon.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng pamahalaan ang mga tsuper at operator ng tatlong taon para palitan ang mga lumang jeep nila.

Pero nasa tig-1,200 lang kada taon ang kayang gawing modernong jeep ng dalawang local manufacturer habang nasa 200,000 unit ang kailangang palitan.

Facebook Comments