Jeepney modernization, ipinapahinto muna ni Senator Marcos

Iginiit ni Senator Imee Marcos sa Department of Transportation (DOTr) na ihinto muna ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa mga drayber at kanilang mga pamilya.

Nabatid ni Marcos sa pakikipag-usap sa mga lider ng anim na transport groups na kinabibilangan ng PASANG MASDA, LTOP, STOP & GO Transport Coalition, ACTO, FEJODAP at ALTODAP.

Kanilang idinaing kay Marcos na namamalimos na ang mga drayber dahil gutom na ang kanilang mga pamilya bunga ng ilang buwang community quarantine at problemado pa sila sa mga bayarin sa renta ng bahay, ilaw, tubig at pagkain sa araw-araw.


Sinabi ni Marcos, na wala ring natanggap sa Social Amelioration Program (SAP) ang mga drayber dahil inuna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Binigyang-diin ni Marcos na lehitimo at talagang mabigat na problema ng drivers at operators ang mataas na presyo ng mga bagong units para sa PUV modernization at wala silang kakayahan na ito ay bayaran.

Paliwanag ni Marcos, malaking dagok sa mga mahihirap na drayber ng traditional jeepney ang pag-etsa-pwera sa kanila ng DOTr at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para paboran ang mga operator ng bus at modernized jeeps na makabyahe sa mga ruta na malakas ang kita.

Binanggit din ni Marcos na ayon sa mga doctor ay mas ligtas sumakay sa lumang jeepneys dahil hindi aircon at hindi nakukulob o nagtatagal ang virus sa loob kaya mas mababa ang posibilidad na maimpeksyon o mahawa ang mga pasahero.

Facebook Comments