Manila, Philippines – Hiniling ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na silipin ng Kamara ang planong jeepney phase-out sa susunod na taon at ang balak na pag-subsidize sa dalawang car manufacturers na gumawa ng sasakyan.
Aabot sa P27 billion ang halagang ilalaan ng gobyerno para sa dalawang private car makers.
Iginiit ni Zarate na isang trahedya ito para sa mga jeepney drivers at operators na nagtitiis gayong maglalaan pala ng salapi ang pamahalaan sa dalawang car manufacturers.
Ikinairita ng mambabatas na mas inuna pang pondohan ng gobyerno ang dalawang kumpanya ng kotse na Mitsubishi at Toyota na mag-produce ng 200,000 units sa loob ng anim na taon sa ilalim ng Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) habang mababaon naman sa utang ang mga jeepney drivers at operators.
Posible aniyang mawalan ng hanapbuhay ang mga drivers at operators dahil dito.
Aniya, 17th Congress pa nila pinasisiyasat ito pero hindi man lamang ito na-i-kalendaryo para sa pagdinig.