Jeepney phase out, hindi mangyayari pagsapit ng December 2023

Ginarantiyahan ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights-Philippine Taxi Drivers Association (DUMPER PTDA) Party-list Rep. Claudine Diana Bautista-Lim na walang magaganap na phase out ng traditional jeepneys pagsapit ng December 31 ngayong taon.

Diin ni Representative Bautista-Lim, nilinaw mismo ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang nabanggit na petsa ay deadline para sa pagsali ng mga jeepney operators at drivers sa mga kooperatiba o sa mga collective juridical entities.

Binanggit din ni Rep. Bautista-Lim ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kailangan pang pag-aralang mabuti ang Public Utility Vehicle Modernization Program para mapahusay.


Ayon kay Bautista Lim, noon pa man ay puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng DUMPER PTDA sa Department of Transportation (DOTr) at sa iba’t ibang transport groups para mapalawig ang deadline para sa consolidation ng traditional jeepneys.

Kasabay nito ay nangako si Rep. Bautista-Lim sa mga PUV operators and drivers na ang DUMPER PTDA ay magkakasa ng mga proyekto na tutulong sa kanilang pagsali sa mga kooperatiba at transport corporations.

Inihalimbawa ni Bautista-Lim sa kanilang hakbang ang pagtatayo ng one-stop-shops o pagsasagawa ng assistance caravans para mapabilis ang consolidation process.

Facebook Comments