Pinatawan ng contempt at sampung araw na ididitine sa House of Representatives si Jeff Tumbado na dating empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Si Tumbado ang nagbunyag sa umano’y korapsyon sa LTFRB at nagdawit kay Chairman Teofilo Guadiz III pero sa bandang huli ay binawi rin nya.
Ang pag-contempt ay inirekomenda ni Sagip Party-list Rodante Marcoleta na nagsabing malinaw na nagsisinungaling si Tumbado at sinayang lang ang oras ng mga kongresista at ng Committee on Transportation na pinamumunuan ni Chairman Romeo Acop sa pagdinig sa mga expose nitong wala naman palang basehan.
Si Tumbado ay sinermonan ng mga kongresista makaraang aminin na wala siyang pruweba dahil base lang sa opinyon nya ang akusasyon ng korapsyon sa LTFRB.
Muli ring inamin ni Tumbado na ang pagdadawit nya LTFRB Chairman Guadiz sa isyu ng katiwalian ay bunga lang ng kanyang sama ng loob makaraang ilipat sya sa ibang opisina ng ahensya ng hindi pinapakinggan ang kanyang panig.