Bumuhos ang papuri sa unang linggo ni Mayor Isko Moreno dahil sa sunud-sunod na clean-up operations sa Manila, una na sa Divisoria na ilang taon nang hindi mahulugang-karayom.
Sa kabila nito, mayroon pa ring hindi natuwa sa ginawa ng alkalde, bukod sa mga apektadong vendors na nawalan ng kabuhayan, na pinangakuan naman ni Moreno ng relokasyon.
Isa sa mga kumuwestiyon sa paglilinis ng Divisoria ay si Jerika Ejercito, anak ng natalo sa pagka-mayor ng Maynila na si former President at former Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Nito lamang Sabado, nag-share si Jerika ng isang Facebook post na kinuwestiyon ang magiging kalagayan o pamumuhay ng mga pinaalis na vendors sa Divisoria.
(Narito ang buong post na ibinahagi ni Ejercito)
Sa caption, sinabi ni Ejercito na walang tiyak na pagkukunan ng pera ang mga pinaalis na vendor bukod sa pagtitinda.
“Where shall they get their daily needs for their families?” ani Ejercito.
“It is easy to laud the efforts of the newly-elected mayor all savvy with a PR team well-versed in projecting the ‘goodness’ of the operations in social media, even using Facebook Live to get positive sentiments.
“The response of netizens on this issue is all the more dismaying. How can things be celebratory when people lose their occupations?” dagdag pa niya.
Samantala, sa isang panayam sa ABS-CBN kay Moreno, tinanong ang alkalde tungkol sa isyu at ang tanging sagot lamang nito ay, “Good luck. ‘Yun na lang.”
Si Jerika ay tumakbo na ring konsehal sa isang distrito sa Maynila nitong nakaraang halalan, ngunit hindi nanalo.