Job Recovery Program, dapat ding tutukan ng pamahalaan bukod sa COVID-19 vaccine

Nagbabala si Committee on Economic Affairs Chairperson Senador Imee Marcos na milyon-milyong Pilipino ang mananatiling walang trabaho kung wala pa ring malawakang programa sa job recovery ang maipapatupad kapag aprubado na ang paggamit ng bakuna laban sa COVID-19.

Diin ni Marcos, problema ang hindi pagbalangkas ng isang pambansang patakaran para sa job recovery nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nila mandato ito kundi ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dagdag ni Marcos, napako na ang gobyerno sa mga “programang tila band-aid at panandalian lamang,” gaya ng mga job fair ng DOLE at ang mga programa nitong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), at cash-for-work.


Hindi rin sapat para kay Marcos ang ini-anunsyo ng DOLE na may 21,000 na alok na trabaho mula sa mga pribadong kompanya dito at sa ibang bansa.

Katwiran ni Marcos, wala pa ito sa isang porsyento ng 3.8 milyong Pilipino na walang trabaho ngayon, base sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Iginiit pa ni Marcos na kahit nabawasan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa katapusan ng Oktubre kumpara noong Abril sa kagasagsagan ng lockdown, ay halos doble naman ito kung ikukumpara sa nakaraang taon.

Facebook Comments