Joey de Leon, binatikos sa binitawang biro sa flight attendant sa ‘Bawal Judgmental’

IG/Joey de Leon(@angpoetnyo)

Hindi lahat ng manunuod ay sinakyan ang pinakawalang banat ng komedyanteng si Joey de Leon sa isang segment sa noontime show na Eat Bulaga nitong Martes, Enero 7.

Sa larong “Bawal Judgmental”, bumalik bilang kalahok si Miss Millennial 2018 first runner-up Danna Rose Socaoco na nagtatrabaho ngayon bilang flight attendant.

Pinuri ni De Leon ang biyas ni Socaoco at sumunod na sinabing, “Sana masakyan kita balang araw.”


Nag-trending ang host sa Twitter matapos punahin ng netizens ang double meaning niyang hirit.

Napuna rin ng ilan ang tanong ni De Leon sa aktres na si Sanya Lopez na “ilang lalaki na ang nakakagat sa’yo?”

Hindi ito ang unang beses na nakuwestiyon ang host dahil sa mga kontrobersyal na banat o mga hindi angkop na pahayag sa telebisyon.

Noong 2017, matatandaang binatikos si De Leon nang sabihing “gawa-gawa lang ng mga tao” ang depression.

Taong 2018 naman nang biruin niya ang isang dating guest relations officers (GRO) mula Olongapo kung may naging “guest” na siya mula sa Eat Bulaga.

Facebook Comments