Manila, Philippines – Hindi nakaligtas sa netizens ang post ng veteran TV host-comedian na si Joey De Leon kung saan inilagay niya sa caption ang salitang “nalunod.”
Sa naturang larawan ay makikita ang Eat Bulaga! host habang nakalutang sa Dead Sea.
Caption ni Joey sa larawang ito: “nuknukan ka na ng katangahan pag sa dead sea nalunod ka pa!”
Nataon kasing ipinost ito ng Eat Bulaga host sa araw na binigyan ng tribute ng It’s Showtime hosts ang yumao nilang kasamahan na si Franco Hernandez.
Namatay ang Hashtag member noong Sabado, November 11, dahil sa pagkalunod.
Say ng mga netizen, naging insensitive daw ang TV host dahil sa paggamit ng salitang “nalunod” sa caption ng kanyang post.
Maging ang It’s Showtime hosts na si Teddy Corpuz ay nagpahayag din ng pagkadismaya.
Say ni Teddy sa kanyang tweet: “sana binigay mo na lng muna sa amin ang maipagluksa ang kaibigan at kapatid namin, kahit isang araw lang. Kahit ngayon lang.”
“nakakalungkot ka po. Ipapag pray po kita na gabayan ka ng puong maykapal.”
Bagamat wala pang pormal na public apology mula kay Joey – agad naman niyang binura ang nasabing post.