Manila, Philippines – Inamin ni John Paul Solano na masama ang kaniyang loob dahil pakiramdam niya’y iniwan siya ng ibang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Ayon kay Solano, umaasa siyang kakatigan ng Department of Justice ang inihain nilang omnibus motion lalot sumuko siya.
Muli ring iginiit ni Solano na wala siya nang nangyari ang initiation rites kay Horacio Castillo III.
Inamin rin ni Solano na nataranta at nalito siya nang unang madatnan ang katawan ni Castillo sa frat library.
Sinabi pa ni Solano na hindi pa niya maaring isapubliko ang mga pangalan ng kaniyang mga kasama sa fraternity.
Nilinaw naman ni Manila Police District (MPD) Chief Supt. Joel Coronel, na hindi nangangahulugang walang sala si Solano sakaling makalaya siyang pansamantala kung makapaghain ng piyansa.
Dagdag ni Coronel, hinihintay pa nila ang search warrant para mapasok nila ang frat library.