Johnson & Johnson COVID-19 vaccine, ibigay sa mga lugar na may kaso ng Delta variant – VP Robredo

Iminungkahi ni Vice President Leni Robredo na gamitin ang COVID-19 vaccine ng Johnson & Johnson sa mga lugar na may kaso ng Delta variant.

Matatandaang kabuuang 3.2 million doses ng single-shot vaccine ang dumating sa bansa noong Biyernes at Sabado na donasyon ng Amerika sa bansa sa pamamagitan ng COVAX Facility.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na dapat unahing turukan ang mga residente sa mga lugar na may banta ng posibleng pagkalat ng mas nakakahawang coronavirus strain.


Noong Biyernes, July 16, nasa 16 na bagong kaso ng Delta variant ang naitala sa bansa kung saan 11 rito ay local cases.

Dalawa sa 11 local cases ay natukoy sa Metro Manila, anim sa Region 10, dalawa sa Region 6 at isa na taga-Region 3.

Pero ayon sa bise presidente, posibleng marami pa ang nahawaan nito na hindi pa nade-detect dahil sa limitadong kapasidad ng bansa sa genome sequencing.

Kaya panawagan ni Robredo sa pamahalaan, bigyan ng kinakailangang suporta ang Philippine Genome Center (PGC).

Facebook Comments