Iminungkahi ni House Majority Leader Martin Romualdez kay Senate Majority Leader Migz Zubiri ang muling pagbuhay sa joint congressional technical working group.
Ayon kay Romualdez, mas paiigtingin ng Kamara sa ilalim ni Speaker Alan Peter Cayetano ang koordinasyon sa Malacañang at Senado para tiyaking hindi mave-veto ang mga aaprubahang panukala sa 18th Congress.
Makatutulong aniya ang technical working group hindi lamang para mapabilis ang pagpasa sa priority bills kundi upang masilip rin ang “red flags” sa mga panukala.
Sa ganitong paraan ay maaaring maiwasan ang mga dahilan ng presidential veto.
Binanggit ni Romualdez na sa taya ng Congressional planning and budget office ay gumagastos ang kamara ng tatlong milyong piso sa bawat panukalang batas hanggang sa maaprubahan ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Paliwanag pa ng kongresista, ayaw nilang masayang ang pera ng taumbayan kaya sa pamamagitan ng mas pinag-isipan at napagkasunduang panukalang batas kasama ang cabinet members at iba pang stakeholders ay magagastos ito nang tama.