Joint coordination meeting para sa unang SONA ni President-elect Bongbong Marcos, idinaos sa Kamara

Nagsagawa na ng “joint coordination meeting” sa pangunguna ng Kamara para sa paghahanda sa kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kasama sa joint coordination meeting ay ang mga kinatawan mula sa Malacañang, Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongeso, Armed Forces of the Philipines (AFP), Philippine National Police (PNP), at lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Naging maganda aniya ang inisyal na pulong at inaasahang masusundan pa ito ng ikalawang pulong sa susunod na linggo.


Sinabi ni Mendoza na mahalagang matiyak na plantsado ang koordinasyon sa lahat ng mga kasama sa paghahanda para sa SONA ng bagong presidente, tulad na lamang ng ipatutupad na health protocols lalo’t may banta pa rin ng COVID-19.

Isa sa tinitingnan ay ang pagbabalik ng “face-to-face” na SONA pero ito ay depende pa sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Patuloy rin aniya ang mga renovation at iba pang pagkukumpuni sa Batasan Complex para sa preparasyon sa SONA ni Marcos na idaraos sa July 25.

Facebook Comments