Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na isulong na ang joint exploration o pagsasanib pwersa ng Pilipinas at China para gumalugad ng gas at langis sa West Philippine Sea.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), posibleng makakuha ng langis ang Pilipinas sa WPS na sasapat sa pangangailangan ng bansa sa loob ng 17 taon at gas na magagamit para naman sa 600 taon.
Ayon kay Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committee on Energy, kailangan itong ipursige dahil matutuyuan na ng langis ang Malampaya gas project sa 2024.
Maaari naman aniyang ang Pilipinas lamang ang magsagawa ng gas at oil exploration pero mabigat ang gastos at teknolohiya kaya kinakailangan ng makakatulong na bansa.
Sa ngayon , batay sa tala mayroon nang 11 potensyal na service contract para sa gas at oil exploration sa West Philippine Sea pero may isyu sa anim dahil nasa loob ng 9 dash line na ipinipilit ng China.