Manila, Philippines – Kinumpirma ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na pinag-aaralan na ang joint exploration and development sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa foreign policy briefing sa House Committee on Foreign Affairs, inamin nito na may inilalatag na joint exploration ang gobyerno.
Pagtitiyak naman ni Cayetano sa publiko na kung mabuo ang kasunduan para dito ay aayon sa batas at konstitusyon ang legal framework nito.
Ayon sa kalihim, wala naman sigurong Pilipino ang magrereklamo kung ang mapapasok nilang commercial deal ng joint exploration ay mas maganda pa kumpara sa Malampaya Natural Gas Exploration.
Kasabay nito, inihayag ni Cayetano na patuloy ang pag-build up ng tiwala sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa katunayan ay may mga napagkasunduan na ang dalawang bansa kabilang dito ang pansamantalang fisheries agreement sa pinag-aagawang teritoryo at ang pagtukoy sa mga lugar na ipepreserba.