Isinulong ng liderato ng House Quad Committee na magsanib-pwersa ang Senado at Kamara sa pagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng War on Drugs na ipinatupad ng administrasyong Duterte.
Sinabi ito ni Quad Committee overall Chairman Robert Ace Barbers sa harap ng nakatakdang pagsasagawa rin ng Senado ng hiwalay na imbestigasyon ukol sa EJK at drug war.
Ayon kay Barbers, ang nabanggit na joint hearing ng Mataas at Mababang Kapulungan ay pormal niyang ipanunukala kina Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero.
Paliwanag ni Barbers, kung magkasamang mag-iimbestiga ang Senado at Kamara ay mas mapapabilis ang kanilang aksyon lalo sa pagbalangkas ng kaukulang panukalang batas at mas magiging malawak, komprehensibo ang kanilang pagdinig.