Joint investigation sa Recto Bank incident, magpapahina sa Pilipinas sa pag-aangkin sa West PH Sea

Manila, Philippines – Ibinabala nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo Ping Lacson ang paghina ng claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Pahayag ito nina Drilon at Lacson makaraang ianunsyo ng Malakanyang na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok ng Tsina na joint investigation sa Recto Bank incident.

Giit ni Drilon, hindi naman kailangan ang joint investigation dahil ang pagbangga ng Chinese vessel sa Filipino fishing boat ay naganap sa karagatang sakop ng ating teritoryo kaya malinaw na nilabag nito ang ating batas at mga international treaties.


Pangunahing tinukoy ni Drilon na nilabag ng Chinese vessel ang Philippine Fisheries Code na nagpapahintulot lamang sa mga Pilipinong mangingisda sa karagatang sakop ng ating teritoryo o Exclusive Economic Zone (EEZ).

Kumbinsido naman si Lacson sa mabuting intensyon ng administrasyon sa pagpayag sa joint investigation sa layuning mapanatili ang maayos na bilateral relations sa China.

Pero ayon kay Lacson, ito ay magministulang waiver ng ating karapatan bilang may-ari ng Recto Bank.

Ikinatwiran ni Lacson na malinaw sa 2016 Hague ruling na ang Recto Bank ay bahagi ng 200 nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Facebook Comments