Nangangamba sina Senators Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros na China ang makinabang sa ikinakasang China-Philippines joint investigation ukol sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa Filipino fishing boat sa Recto Bank.
Naniniwala si Hontiveros na lulutuin lang ng China ang imbestigasyon dahil obvious na ayaw nitong mapanagot ang mga Chinese nationals na sangkot sa insidente.
Ayon kay Hontiveros, lumalabas sa mga naging pahayag ng China na hindi ito kaisa sa hangarin natin na mabigyan ng hustisya ang 22 mangingisda na inabandona ng Chinese vessel sa gitna ng panganib sa karagatan.
Diin naman ni Senator Pangilinan, hindi katanggap-tanggap ang joint investigation dahil kung na-hit and run ang kamag-anak natin ay magiging katawa-tawa kung kasama sa mag-iimbestiga ang kakampi ng mga mismong nakabangga.
Paliwanag pa ni Pangilinan, labag sa ating Fisheries Code ang joint investigation at makakaapekto din ito sa ating territorial claims sa West Philippine Sea (WPS).