Binigyang diin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar na salig sa Internatinal Law ang Joint Maritime patrol ng Pilipinas at Estados Unidos sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ay ginawa ni Col. Aguilar kasunod ng pagsisimula kahapon ng tatlong-araw na joint maritime activity ng AFP at US IndoPacific Command na tatagal hanggang bukas.
Nilinaw naman ni Col. Aguilar na ang aktibidad ay hindi show of force at hindi naglalayong dagdagan ang tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
Bagkus, ito aniya ay pagpapakita ng determinasyon ng Pilipinas na itaguyod ang sovereign rights at hurisdiksyon ng bansa nang naayon sa international maritime conventions na nagsusulong ng mapayapang pagresolba sa mga maritime conflict.
Ang mga kasunduang ito aniya ang nagsasaad na walang dapat na dangerous maneuver, pangha-harass at paggamit ng water-cannon sa pagresolba ng mga alitan.
Kasunod nito, patuloy na umaasa ang Sandatahang Lakas na tutupad din ang China sa mga international convention partikular na ang United Nations Convention on Law of the Seas.