Joint memo para sa tamang pag-aresto at paghuli sa health protocol violators, nilagdaan na

Nilagdaan na ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang joint memorandum circular (JMC) hinggil sa paghuli at pagkulong sa mga lumalabag sa COVID-19 safety measures.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, layon nito na mapalakas ang pagpapatupad ng minimum health and safety regulations.

Sa ilalim ng nasabing guidelines, inaatasan ng DILG ang PNP at Local Government Units (LGUs) na bumuo ng holding areas para hindi mapasama ang mga violator sa mga nakakulong na kriminal at hindi maging sanhi ng overcrowding sa mga detention facilities.


Kapag ikukulong sa selda ang violator, paiiralin dito ang local ordinances habang mananagot naman ang mga pasaway na mga opisyal kapag may nalabag na health protocols sa kanilang mga lugar.

Tiniyak naman ni Año na ang mga mahuhuling quarantine violator na walang sintomas ay kanilang imo-monitor at kung magpositibo ito sa COVID-19 ay dadalhin sa mga isolation facilities.

Facebook Comments