Joint resolution, inihain ng mga kongresista para ipagpaliban ang premium rate hike ng PhilHealth ngayong 2021

Inihain sa Kamara ng mga kongresista ang isang joint resolution na nagpapaliban sa implementasyon ng premium rate increase ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong 2021.

Nakasaad sa joint resolution sa pangunguna ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ay ipinag-uutos dito ang deferment o pagpapaliban sa pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth ngayong taon bunsod pa rin ng epekto ng pandemya.

Batay kasi sa RA 11223 o Universal Health Care Law, nakatakdang simulan ngayong taon ang premium rate increase sa 3.5% mula sa kasalukuyang 3%.


Pero tinukoy naman sa resolusyon na naisabatas ang UHC Act hindi pa man nagkakaroon ng pandemya kaya mahirap para sa mga myembro ang nakaambang na premium contribution hike sa gitna ng nararanasan ngayong COVID-19 pandemic.

Direktang apektado ngayon ng premium rate hike ang 14.4 million direct contributors na mga manggagawa sa private sector at 3.6 million na Overseas Filipino Workers (OFWs).

Magiging malaking kaluwagan sa mga miyembro ang pansamantalang pagka-antala sa pagtaas ng premium contribution lalo’t bagsak ang ekonomiya at 4.5 million na mga Pilipino pa ang nawalan ng hanapbuhay.

Facebook Comments