Joint resolution para maibigay sa Kadamay at iba pa, ang housing projects ng NHA inaasahang aaprubahan ng Senado ngayong araw

Manila, Philippines – Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto, sa session mamayang hapon ay maari na nilang aprubahan ang joint resolution #8 na magbibigay ng awtoridad sa Malakanyang na maipamigay sa kadamay at iba pang benepisaryo ang housing projects na inayawan ng mga pulis at sundalo.

Sa ngayon ay pirmado na ng 12 senador ang committee report ukol dito at inaasahang susuportahan pa ng nakararaming Senador.

Ayon kay Committee on Housing And Urban Planning Chairman Senator JV Ejercito, makikinabang dito ang mga informal settlers tulad ng grupong Kadamay na umangkin sa mga nakatiwangwang na housing projects sa Pandi, Bulacan.


Binigyang diin naman ni Ejercito na hindi ito magiging lisensya para sa Kadamay at iba pang grupo na angkinin din ang iba pang mga proyektong pabahay ng pamahalaan.

Ayon kay Ejercito, inaatasan ng resolusyon ang National Housing Authority na bigyang prayoridad ang qualified beneficiaries na nakatira sa ngayon sa mga delikadong lugar.

Kasama din sa prayoridad na pagkalooba nito ang mga apektado ng road widening projects ng gobyerno at ang mga handang magbayad ng monthly amortization.

Facebook Comments