Isinagawa ang isang Joint Security Command Conference ng Commission on Elections (COMELEC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP).
Tinalakay sa nasabing pulong ang paghahanda sa seguridad ng Baranggay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre 5.
Gayundin ang apat na plebisito na idaraos ngayong taon sa Alabel, Saranggani sa Agosto 20; Calaca, Batangas sa Setyembre 3; Maguindanao Province sa Setyembre 17; at sa Ormoc City sa Oktubre 8.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., nakahanda ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya sa anumang aktibidad o malalaking okasyon sa bansa.
Pinatunayan na aniya ng PNP ang kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng malinis, maayos at mapayapang May 2022 elections, at sa nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak ng opisyal na kapag natuloy ang halalan sa Disyembre, kaparehong seguridad din ang kanilang ipatutupad gayundin sa mga nalalapit na plebesito sa iba’t ibang panig ng bansa.