Joint Senate-House probe ukol sa nangyaring aberya sa NAIA, isinulong ng isang kongresista

Isinulong ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette “BH” Herrera ang pagsagawa ng joint investigation ang Senado at Kamara.

Patungkol ito sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA nitong January 1 kung saan libu-libong pasahero ang naapektuhan.

Ayon kay Herrera, bukod sa mga pasahero ay naapektuhan din ang pag-biyahe ng tone-toneladang mga produkto na tiyak magdudulot ng negatibong epekto sa negosyo at ekonomiya ng bansa.


Sabi ni Herrera, sa gagawing pagdinig ay ipapasumite ang kopya ng lahat ng maintenance logs, personnel logs, at CCTV logs ng mga kagamitan o equipment na nagkaproblema.

Dagdag pa ni Herrera, sisilipin din sa pagdinig kung ang mga pagkidlat nitong nakaraang buwan ay nakaapekto sa pasilidad at mga kagamitan sa NAIA.

Binanggit ni Herrera, titignan din sa pagdinig kung mahusay na naipapatupad ang physical security measures na kailangan sa pagmantine ng NAIA facilities.

Umaasa si Herrera na sa gagawing joint Senate-House investigation ay matutukoy rin kung kailangang amyendahan ang Passenger Bill of Rights.

Facebook Comments