Joint session ng kongreso para talakayin ang idineklarang martial law sa Mindanao – pormal nang hiniling ng Minority Bloc

Manila, Philippines – Pormal nang naghain ng resolusyon ang minorya sa senado para hilingin sa pamunuan ang joint session para busisiin ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Pirmado nina senators Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes at Bam Aquino ang tatlong pahinang resolusyon.

Sa senate resolution number 390, iginiit ng minorya na batay sa saligang batas, obligasyon ng kongreso na tukuyin kung may basehan ang proklamasyon ng martial law at ipawalang bisa ito kung kinakailangan.


Ayon kay Pangilinan, hindi sapat na talakayin ng mga mambabatas sa caucus lang kung pabor pa sila o hindi sa martial law.

Hindi muna tinalakay ng senado sa plenaryo ang resolusyon dahil nagsagawa muna ng closed-door briefing kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at iba pang top officials ng Armed Forces of the Philippines.

Samantala – iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at mga kasama nito sa Makabayan Bloc na dapat mag joint session ang kongreso para ipawalang bisa ang batas militar.

Nabatid na ikinababahala ng ilang mambabatas ang sinabi ni Duterte na hindi nito susundin ang Korte Suprema o kongreso sakaling ipatigil nila ang martial law.

DZXL558

Facebook Comments