Nakahanda ang Joint Task Force COVID Shield na manghuli ng mga pasaway na violators sakaling ipatupad ang mandatory na pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong transportasyon at mga kompanya.
Sa interview ng RMN Manila kay JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, sinabi nito na hinihintay na lamang nila ang ibababang kautusan mula sa Inter-Agency Task Force para sa implementasyon ng mandatory wearing of face shield.
Kapag naibaba na aniya ang guidelines, kanila itong ipapatupad sa mga barangay sa ilalim ng Quarantine Rules Supervisors (QRS) o ng Philippine National Police COVID Focal Persons na itinalaga ng hepe ng city at municipal police.
Sa ngayon ay nasa mahigit 300,000 ang mga nahuli na lumabag sa iba’t ibang quarantine guidelines kung saan 1,843 rito ay mga motorcycle riders na lumabag sa motorcycle riding policy.