Joint Task Force-NCR nag-deploy ng mga truck para sa libreng sakay

Idineploy na rin ng Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) ang kanilang limang trak para sa Libreng Sakay Operation sa mga pangunahing ruta sa Metro Manila ngayong umiiral ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ang mga trak ay pandagdag sa apat na bus ng RRCG Bus na nakapaghatid na ng 900 na Authorized Persons Outside of Residence (APOR) mula nang simulan ang operasyon.

Dahil sa mga karagdagang trak, may libreng sakay na sa 14 na kilometrong rutang SM Taytay hanggang Ortigas Center at vice versa.


Ang iba pang mga ruta para sa libreng sakay ay ang SM Fairview hanggang Quezon Avenue via Commonwealth at vice versa; Gil Puyat LRT-1 hanggang Quezon Avenue via Taft Ave at España at vice versa; at SM Masinag hanggang Cubao MRT via Marcos Highway at vice versa.

Maliban sa pagtulong sa libreng sakay operations, ang JTF-NCR ay sumusuporta sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagmamando sa iba’t ibang quarantine control points at quarantine facilities sa Metro Manila.

Nagsasagawa sila ng loudspeaker operations sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila para paalalahanan ang mamamayan sa mga umiiral na alituntunin sa panahon ng ECQ.

Facebook Comments