Joint Task Force-NCR ng AFP, naka-deploy na rin para sa SONA 2024

Ipinakalat na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang Joint Task Force-National Capital Region (NCR) para sa nalalapit na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Lunes, July 22, 2024.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, 500 tauhan ng Joint Task Force-NCR kasama ang dalawang armored vehicles ang kanilang idineploy bilang suporta sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) na magbabantay ng seguridad sa SONA.

Ang mga ito ay kasama sa send-off ceremony kahapon sa Camp Karingal.


Kasunod nito, nangako ang Sandatahang Lakas katuwang ang Pambansang Pulisya sa pagtiyak ng maayos at ligtas na SONA 2024.

Samantala, sa panig naman ng PNP ay sinabi ni Public Information Officer (PIO) chief Police Colonel Jean Fajardo na handang-handa na sila at tiniyak na proprotektahan si Pangulong Marcos at ang taumbayan sa abot ng kanilang makakaya sa lahat ng pagkakataon.

Facebook Comments