Nagsagawa ng Joint Training exercise ang mga sundalo na miyembro ng Joint Task Force Sulu na binansagang “Lupah Sug 03-2022” sa Siasi, Sulu.
Ang military exercise na sinalihan ng 500 miyembro ng Philippine Army, Navy at Air Force ay nagsagawa ng iba’t ibang “battlefield scenario” kung saan ginamit ng mga tropa ang modernong ground, naval at air assets.
Ayon kay MGen. Ignatius Patrimonio, Commander ng 11th Infantry “Alakdan” Division at JTF Sulu, na maliban sa paghasa ng kakayahang pandigma ng mga tropa, ang exercise ay magandang pagkakataon rin upang mapahusay ang “interoperability” ng iba’t ibang unit ng JTF Sulu, at mapatatag ang kanilang “camaraderie”.
Maliban sa “war games”, kasama rin sa ehersisyo ang “Civic and Humanitarian Action (CHA) activity” kung saan nagkaloob ng libreng gupit, pag-tuli, medical check-up at gamot ang mga tropa sa 130 residente sa lugar.
Siniguro naman ni MGen. Patrimonia na nakikiisa ang militar sa lokal na pamahalaan at komunidad sa paghahatid ng pangmatagalang kapayapaan at tuloy-tuloy na pag-unlad sa lalawigan ng Sulu.