Hiniling ni Senator Nancy Binay sa pamahalaan na pag-aralan ang posibleng partnership sa pagitan ng mga pribadong dayuhang kompanya at ng gobyerno para mapaganda ang serbisyo at pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang ilan sa suhestyon ng senadora na siyang Chairperson ng Senate Committee on Tourism para maiwasan na ang mga aberya sa paliparan.
Inihalimbawa ni Binay ang Mactan-Cebu International Airport na napaganda matapos pumasok ang gobyerno at ang local counterpart sa joint venture sa pagitan ng isang Indian company.
Isa aniya ang airport sa Cebu sa maaaring gayahin at i-explore para mai-upgrade ang pangangasiwa at operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Punto pa ni Binay, kulang sa pondo ang pamahalaan para gawing ‘world-class’ ang NAIA kaya ang pagpasok sa Public-Private-Partnership (PPP) ang isa sa makakatulong para maingat ang kalidad ng pambansang paliparan.
Nakatitiyak naman ang senadora na mayroong mga pribadong kumpanya ang handang gumastos para maisaayos at mapaganda ang operasyon ng NAIA.
Tinukoy rin ng mambabatas ang kawalan ng konsepto ng “continuity” na isa sa dahilan bakit hindi natutuloy ang mga magagandang programa para sa NAIA.