Bukas si Senador Panfilo “Ping” Lacson na pumasok ang Pilipinas sa isang joint venture agreement kasama ang China sa pagde-develop ng West Philippine Sea (WPS).
Pero giit ni Lacson, dapat magkaroon ng kondisyon na tiyaking masusunod ng China ang 60-40 provision sa ating konstitusyon.
Ayon kay Lacson, ipinapakita nito na pagmamay-ari ng Pilipinas ang naturang teritoryo at may soberenya tayo rito.
Diin ni Lacson, mayaman ang WPS sa natural gas at langis na maaaring makatugon sa mga pangangailangan ng ating bansa sa enerhiya.
Sa pagkakaalam ni Lacson ay nagpadala na ang China ng mga geologist para magsaliksik sa lugar noon pang 1968.
Ngunit binigyang diin ni Lacson na kung hindi papayag ang China sa 60-40 rule, maaaring humingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang mga bansa na mayroon tayong bilateral agreement.
Binanggit ni Lacson, ang mga bansa tulad ng Australia at Japan at maging ang European Union ay nagpahayag kamakailan ng pagnanais na magpatrolya sa lugar upang masiguro na mananatiling bukas sa maritime trade ang WPS.