Handa sina Senator Ronald Bato dela Rosa at Panfilo Ping Lacson na imbestigahan ang pagkapatay sa apat (4) na sundalo matapos barilin umano ng mga pulis sa Jolo, Sulu.
Si dela Rosa ang namumuno sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs habang si Lacson naman ang Chairman ng Committee on National Defense and Security.
Ang pahayag ay ginawa nina dela Rosa at Lacson makaraang ihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution Number 460 na nagsusulong na maimbestigahan ng Senado ang insidente.
Ayon kay Hontiveros, layunin ng imbestigasyon na makapaglatag ng hakbang para mapigilan ang pagiging trigger-happy ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Tiniyak nina dela Rosa at Lacson na agad nilang ikakasa ang imbestigasyon sa oras na mairefer sa komite nila ang resolusyon ni Hontiveros.
Pero ayon kay Lacson, sana ay tukuyin ni Hontiveros sa kanyang resolusyon kung anong klase ng legislation o batas ang nais nitong maisulong kaugnay sa nabanggit na insidente.