Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na wala pa silang naitatalang election related violence.
Ito ay sa kabila ng nangyaring dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu ilang araw pagkatapos isagawa ang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa ARMM, Cotabato City at Isabela City sa Basilan.
Sa interview ng RMN Manila kay Comelec Spokesperson James Jimenez – masyadong ‘premature’ na sabihin na konektado ito sa BOL.
Pero sinabi ni Jimenez na kung sakaling may kaugnayan ang pagsabog sa BOL plebiscite, ay kukunin nila ang opinyon ng kanilang mga tauhan at dito pag-uusapan ang rekomendasyon na huwag nang ituloy o ipagpaliban.
Sa ngayon, walang namo-monitor ang Comelec na banta sa isasagawang BOL plebiscite sa February 6.
Nabatid na bago ang January 21 plebiscite ay nakatanggap ang poll body ng ilang banta tulad ng tangkang pagnanakaw sa mga balota, pananabotahe sa distribution ng election materials at pambobomba.