Idineklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) na terorista ang 19 na miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) kasama ang Founder nito na si Joma Sison.
Ito ay matapos na mapatunayan ng ATC ang paglabag ng mga miyembro ng CPP Central Committee sa Anti-Terrorism Act dahil sa pagpaplano, paghahanda, pagsasagawa, pagsasabwatan at pag-uudyok ng komisyon ng terorismo at recruitment ng mga miyembro sa isang teroristang grupo.
Kaugnay nito, pinahihintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang kanilang assets.
Kasama rin sa mga dineklarang terorista sina Vicente Ladlad, Jorge Madlos, Adelberto Silva, Rey Casambre, Rafael Baylosis, mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon.
Nanindigan naman si Sison na labag sa karapatang pantao ang pagdedeklara sa kanyang terorista at ginagamit lamang aniya ng gobyerno ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAL) at ATC bilang instrumento ng pasismo at state terrorism.