Nagsampa ng 4 na kriminal na kaso ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Maria Sison at 3 opisyal ng communist terrorist group sa Department of Justice (DOJ).
Batay sa reklamo ng dating amasonang si Lady Desiree Miranda alyas “Ka Shane”, siya ay naging biktima ng sexual abuse noong siya ay kasapi ng teroristang grupo.
Si Sison at ang recruiter ni Ka Shane na si Redsa Balatan ay kinasuhan ng paglabag sa RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Habang ang mga dating commander ni Ka Shane na sina Rey Dela Pena alyas Reynaldo Santos at Joel Caliwliw na kapwa nakakulong ay kinasuhan ng multiple counts ng rape.
Base sa salaysay ni Ka Shane, siya ay ni-recruit bilang miyembro ng Anakbayan sa edad na 14 hanggang sa naging miyembro na siya ng New People’s Army (NPA) sa edad na 18.
Habang siya ay kasapi ng NPA, ilang ulit umano siyang ginahasa ni Dela Peña at Caliwliw at minolestya pa ng kanyang vice commander mula 2016 hanggang 2018.
Inireklamo niya raw ito sa mga nakakataas na pinuno, ngunit siya ay inakusahan pa ng pagiging “sex addict” at may diperensya sa pag-iisip kaya nagdesisyon na siyang tumiwalag sa teroristang grupo at humingi ng tulong sa gobyerno.