Jones, Isabela – Puspusan ang isinasagawang pagbabantay ng mga kapulisan ng Jones, Isabela matapos isailalim sa Comelec Control para sa nalalapit na 2019 Midterm Elections.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Captain Fernando Mallillin ng PNP Jones sinabi nito na mayroon nang itinalagang mga karagdagang pwersa sa nasabing bayan na galing sa IPPO upang tumulong na magbantay sa lugar.
Aniya, maigting rin nilang isinasagawa ang pagbabantay sa kanilang mga itinalagang checkpoint.
Ayon pa kay Captain Mallillin, aktibo rin ang kanyang grupo sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng 86th Infantry Batallion sa pangunguna ni Commanding Officer Lt Col. Remegio Dulatre para maging alerto sa mga galawan ng mga makakaliwang grupo.
Nanawagan rin si Mallillin sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo sa mga pinipiling organisasyon na sinasalihan at gayundin sa mga estudyante na huwag magpahikayat sa mga komunistang NPA.
Samantala, nasa 808 kabuaang tokhang responder ang bayan ng Jones at 689 rito ang nakapagtapos na ng Community-Based Recovery and Wellness Program (CBRWP).
Nakatakda namang ideklara ng PDEA bilang Drug Cleared ang dalawang barangay ng nasabing bayan na kauna-unahang ideklara mula sa 42 na barangay nga kinasasakupan.
Umaasa naman ang opisyal na sa lalong madaling panahon ay unti-unting malinis sa droga ang bayan.