Jones, Isabela na napabilang sa Election Hotspot area, Ikinalungkot!

*Jones, Isabela- *Ikinalungkot ni Police Chief Inspector Rex Pascua, hepe ng PNP Jones, Isabela dahil napabilang ang Jones sa 19 Hotspot area sa bansa kaugnay sa 2019 midterm elections.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay PCI Pascua, nagbibigay ito ng pangamba sa mga residente at turista na magtutungo sa lugar dahil sa dating impresyon na ang bayan ng Jones ay isang mapanganib na lugar.

Dahil dito ay kanila namang sinisikap na ipakita sa taumbayan na nagbabago na ang sitwasyon ng Jones at hindi na kagaya noong mga nagdaang eleksyon na may mga nangyayaring karahasan at pulitikong napapatay.


Masidhi na rin anya ang kanilang police visibility at pagtatalaga sa mga checkpoints kaugnay sa ipinapatupad na election gun ban at pakikipag-ugnayan sa mga tumatakbong pulitiko.

Pinaalalahanan naman ng hepe ang kanyang mga kababayan na huwag makialam sa isyu ng mga pulitiko upang maiwasan ang pagkasangkot o anumang hindi inaasahang pangyayari.

Katuwang ngayon ng PNP Jones ang 86th Infantry Battalion sa ilalim ng 5th ID, PA sa pangangalaga ng seguridad ng mga mamamayan sa naturang bayan.

Samantala, nasa dalawa na lamang ang tumatakbo sa posisyong pagka-alkalde ganun rin sa pagka-bise mayor habang nasa 17 naman ang tumatakbong konsehal ng Jones na magtutunggali sa May 13, 2019.

Facebook Comments