Malaking kawalan sa team ng Gilas Pilipinas ang hindi pagkakasama sa line-up ni Filipino-American NBA guard na si Jordan Clarkson para sumabak sa FIBA World Cup 2019.
Ayon kay Sports columnist Homer Sayson, malaking tulong sana ang maiaambag ni Clarkson para maiangat ang iskor ng Gilas.
Aniya, posibleng mapadapa ang Italy na isa sa mga itinuturing na powerhouse team sa Europe.
Matatandaang napasama si Clarkson sa 19-man pool ng Gilas dahil sa mataas na tsansa na payagan itong makapaglaro bilang local.
Pero napag-alaman ng FIBA na isang naturalized player si Clarkson matapos itong makakuha ng Philippine passport sa edad na 16-anyos kung saan, naging sang-ayon sa panuntunan ng basketball body na isang naturalized player lamang sa bawat koponan ang maaaring makapaglaro.
Nakatakda ngayong araw ang unang paghaharap ng Gilas kontra sa Italy kung saan, kumpiyansa si Gilas coach Yeng Guiao na maipapanalo ng koponan ang laro.