Nakitaan ng paglabag ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang local courier company na J&T Express.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang kumpanya matapos mag-viral ang isang video kung saan hinahagis at binabato lamang ng ilang manggagawa nito ang mga parcel sa truck.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, natanggap na niya ang report ng CIDG nitong July 14.
Sinabi ni Gamboa na mayroong paglabag ang J&T sa labor laws, kung saan nakikipag-ugnayan na ang Pambansang Pulisya sa Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil dito.
Nakipag-coordinate na rin ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa ilang reklamo laban sa courier kung saan nakapaghain sila ng hiwalay na kaso bilang paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Republic Act 7394 o Consumer Protection Act of the Philippines.
May ilang branch din ng kumpanya ang ipinasara dahil sa kawalan ng kaukulang permit.
Sa ngayon, sinisilip na rin ng PNP ang mga provincial branches ng J&T Express.
Samantala sa hiwalay na pahayag, tiniyak ng courier company na tatalima sila sa closure order at inaasikaso na nila ang mga kinakailangang permits para muling makapag-operate.