Apela ngayon ni Joint Task Force COVID-19 Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar sa mga Local Government Units (LGUs) na mag-aproba ng ordinansa na nagpapataw ng parusa sa mga umaatake at gumagawa ng diskriminasyon sa mga health workers at mga pamilya ng mga COVID-19 patients.
Ayon sa opisyal, dapat na tularan ng ibang mga LGU ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila at Cebu na nag-aproba ng ordinansa na kinokondena at ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga health workers.
Matatandaang una nang iniulat ng JTF COVID-19 Shield na may dalalwang medical frontliners sa Cebu at Cotabato na binuhusan ng cleaning chemicals matapos na dalhin sa ospital ang hinihinalang pasyenteng may COVID-19.
Banta ni Eleazar sa publiko na gagawa ng mga paglabag sa mga batas ngayong ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na makukulong ng “indefinitely” o walang partikular na period of time.
Ito ay dahil mayroong electronic inquest na ginagawa sa istasyon ng pulis sa pamamagitan ng video conference sa mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ).
Problema na, aniya, ng mga makakasuhan kung saan magpipiyansa dahil sarado ang mga korte, kaya posibleng sa kulungan sila manatili hanggang sa matapos ang quarantine period.