JTF COVID Shield, hinimok ang mga menor de edad at seniors na huwag munang lumahok sa voters’ registration dahil sa banta ng COVID-19

Nanawagan ang Joint Task Force COVID Shield sa mga minor at senior citizen na huwag munang lumabas at magparehistro sa Commission on Elections (COMELEC) lalo na at nananatili ang banta ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na umapela ang Metro Manila mayors na i-antala ang registration hanggang Enero 2021 dahil nagkakaroon ng mass gathering sa voters’ registration na maaaring magdulot ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay JTF Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, hintayin na lamang nila na bumaba ang kaso ng COVID-19.


Giit ni Eleazar, magtatagal ang voters’ registration hanggang sa susunod na taon kaya mayroong mahabang panahon para mapahupa ang pandemya.

Nakipag-ugayan na siya kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan para ipag-utos sa local police commanders na i-secure ang voters’ registration sa kanilang mga lugar.

Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año, ipinaabot na nila ang concern ng mga alkalde sa National Task Force against COVID-19.

Nabatid na sinimulan ng Comelec ang voters’ registration nitong September 1 sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ.

Facebook Comments