Kailangan pa ng ordinansa para payagang makapasok ng mall ang mga menor de edad.
Ito ang nilinaw ng Joint Task Force COVID Shield matapos sabihin ni National Capital Region Police Officer (NCRPO) Director Police Brig. Gen. Vicente Danao sa isang radio interview na nananatiling ban ang mga menor de edad sa mga mall na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, kailangan ng ordinansa na magbibigay ng kapangyarihan sa mga local government unit na maglagay ng kani-kanilang restrictions.
Sa public briefing kagabi, matatandaang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na pwedeng makapunta ng mall ang mga bata basta’t kasama ang kanilang magulang.
Samantala, ayon Binag, pinaghahandaan na rin nila ang pagpapatupad sa bagong direktiba.
Humihingi rin aniya ng paglilinaw ang task force kung ang mga senior citizens na edad 65 pataas ay papayagan na ring lumabas.