
Hindi lamang mga mahistrado ang sakop ng ginagawang imbestigasyon ng Korte Suprema kaugnay sa posibleng pagkakasangkot sa mga anomalya.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa pahayag niyang iniimbestigahan na ng SC ang dating hukom na ngayo’y mataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Remulla, mismong ang Supreme Court ang kumikilos sa kaso ng dating hukom na sinasabing fixer ng negosyante at gaming tycoon na si Atong Ang na itinuturong utak umano sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa isang panayam kasi, ibinunyag ni Julie Patidongan o alyas ‘Totoy’ na ang dating judge ay patuloy umanong kinakanlong ng iba pang opisyal ng ahensya na may malapit na koneksyon sa Malacañang.
Ito umano ang dahilan kaya nagagawa ng dating judge na ‘maayos’ ang mga kaso para pumabor kay Ang.
Hindi naman pinangalanan pa ni Remulla ang naturang judge na idinadawit ni alyas ‘Totoy.’
Samantala, kinumpirma rin ng kalihim na may inilabas nang sinumpaang salaysay si Patidongan.
Pero wala pang desisyon ang DOJ kung maaari siyang gawing state witness.









