Manila, Philippines – Aminado si Judge Silvino Pampilo Jr. ng Manila Regional Trial Court Branch 26 na nakaramdam siya ng pangamba sa paghawak ng kauna-unahang kaso sa idineklarang war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Judge Pampilo ang naatasan ng Kataas-taasang Hukuman na lumutas sa apat na kaso ng ilegal na droga at illegal na pag-iingat ng mga baril at bomba laban sa itinuturing na high profile drug trafficker sa Visayas Region na si Kerwin Espinosa, anak ng napaslang na si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Pampilo, inamin niya na siya ay nangangamba ngayong naitalaga sa kanya ng Korte Suprema ang pagdedesisyon sa mga kaso laban sa batang Espinosa.
Dahil dito, dudulog siya sa Supreme Court upang humingi ng proteksiyon at dagdag na seguridad.
Paliwanag ng hukom na malaking pagsubok sa kanya ang Espinosa case lalo pa at ito ang test case na magpapatatag sa giyera ng Pangulo upang mapanagot ang mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng hukom ang record ng kaso mula sa pagkakahain nito sa sala ni Judge Carlos Arguelles ng Leyte Regional Trial Court Branch 14.
May mga mosyon aniya na hindi naresolba si Judge Arguelles dahil humiling ng suspensiyon sa hearing ang panig ng depensa at prosekusyon hanggang sa mailipat ito ng venue sa Maynila, dahil sa usapin ng seguridad ng mga testigo at ng mga inaakusahan.