Ipinapadeklara ng Kamara na “National West Philippine Sea Victory Day” ang July 12.
Sa House Resolution 1945 na inihain ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, ipinapadeklara ang July 12 kada taon na araw ng tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration matapos na ipanalo ng bansa ang sovereign rights nito sa West Philippine Sea.
Tinukoy sa resolusyon na mismong si dating Pangulong Noynoy Aquino ang nagtulak ng arbitration proceedings laban sa China sa The Hague, Netherlands salig sa terms na nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Malinaw sa desisyon ng arbitration court na pagmamay-ari ng Pilipinas at sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ang West Philippine Sea kasama na rito ang Panatag Shoal, Kalayaan Island Group, at ilang bahagi ng Spratly Islands.
July 12, 2016 nang ibaba naman ng PCA ang kanilang ruling na taliwas sa UNCLOS ang nine-dash line claim ng China sa West Philippine Sea bukod pa dito ay nilalabag din ng China ang obligasyon nito na igalang ang sovereign rights ng Pilipinas sa nasabing teritoryo.