July 17, iprinoklama bilang National Cardiopulmonary Resuscitation Day

Iprinoklama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang July 17 bilang “National Cardiopulmonary Resuscitation Day” bilang bahagi ng pagsusulong ng national health awareness campaign sa bawat pamilyang Pilipino.

Sa Proclamation No. 511 na nilagdaan ni Pangulong Marcos, nakasaad na ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ay isang lifesaving technique o isang paraan ng pagsagip ng buhay na magagamit sa mga emergency situations tulad ng atake sa puso at pagkalunod.

Ayon sa pangulo, importanteng isulong ang health consciousness sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangang impormasyon at kasanayan para makatugon sa mga emergency situations.


Sa ilalim ng proklamasyon, inaatasan ang Department of Health (DOH) na pangunahan ang taunang pagdiriwang ng National Cardiopulmonary Resuscitation Day.

Hinihikayat din ang mga ahensya ng gobyerno, non-government organizations, at mga pribadong sektor na makiisa sa naturang pagdiriwang.

Facebook Comments