Junior officer na dawit umano sa POGO, iniimbestigahan na ng Philippine Navy

Iniimbestigahan narin ng Philippine Navy ang kanilang Junior Officer na si Lt. Jessa Mendoza.

Si Mendoza ay nadamay sa imbestigasyon ng Senado, kung saan sinasabing incorporator o direktor umano ito ng ilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Ayon kay Philippine Navy Public Affairs Director Commander John Percie Alcos, sinimulan na nila ang isang internal inquiry na may koordinasyon kay Lt. Mendoza upang malinawan kung paano nadawit ang kaniyang pangalan sa POGO.


Magkagayunman, nagpahayag ng buong suporta ang Philippine Navy kay Mendoza, upang malinis ang kaniyang pangalan.

Sinabi ni Alcos, handang tumestigo ang Philippine Navy na walang bahid sa kanyang record si Lt. Mendoza sa kanyang isang dekadang serbisyo sa organisasyon.

Kasunod nito, muling pinaalalahan ni Alcos ang lahat ng mga tauhan ng Philippine Navy maging ang mamamayan na magsagawa ng kaukulang pag-iingat sa kanilang online activities upang hindi mabiktima ng identity fraud.

Facebook Comments