JUNK SHOP SA LINGAYEN, ININSPEKSYON MATAPOS ANG REKLAMONG INIHAIN SA ANTI-RED TAPE AUTHORITY

Ininspeksyon ng mga awtoridad ang isang junk shop sa Barangay Quibaol, Lingayen matapos ang reklamong inihain sa ilalim ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Dalawang beses nagsagawa ng joint inspection ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang tiyakin ang pagsunod nito sa mga umiiral na batas kaugnay ng kalikasan, kalusugan, at kaligtasan.

Pinangunahan ang inspeksyon ng Joint Inspection Team na binubuo ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Health Office–Sanitation (MHO-Sanitation), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang hakbang bilang tugon sa reklamong inihain sa ilalim ng ARTA na naglalayong suriin ang pagsunod ng establisimyento sa mga itinakdang pamantayan.

Nakipagkooperasyon ang may-ari ng junk shop at nangakong susunod sa lahat ng rekomendasyon at kinakailangang aksyon na itinakda ng mga kinauukulang tanggapan.

Binigyang-diin din nito na tutugunan ang mga kakulangan sa loob ng itinakdang panahon at handa ring boluntaryong itigil ang operasyon at isara ang junk shop sakaling hindi ito tuluyang makasunod sa mga kinakailangan.

Samantala, patuloy na babantayan ng mga awtoridad ang pagsunod ng establisimyento sa mga itinakdang regulasyon sa loob ng ibinigay na palugit. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments