
Tiniyak ng grupong Justice for Missing Sabungeros Network na patuloy silang magbabantay kasunod ng paglalabas ng warrant of arrest laban kay Charlie “Atong” Ang.
Sinabi ni Ted “Bong” Lazaro, tagapagsalita ng Justice for Missing Sabungeros Network, na ganito rin ang kahahantungan ng parehong kasong kinahaharap ni Ang at iba pang akusado sa iba pang korte.
Ayon sa grupo, matagal na itong hinihintay ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero kaya’t ang makabuluhang hakbang tungo sa pananagutan at ang pag-usad ng kaso ay isang mahalagang senyales na hindi tuluyang nababaon sa limot ang kanilang paghahanap ng katarungan.
Nananawagan din ang grupo na ipatupad ang batas nang pantay at walang kinikilingan.
Samantala, nanawagan naman ang kapatid ng nawawalang sabungero kay Ang na sumuko na ito matapos maglabas ang korte ng arrest warrant.
Ayon kay Charlene Lasco, kapatid ni Ricardo “Jon-jon” Lasco na isang missing sabungero, kapag wala talagang kasalanan si Ang ay mas maiging sumuko na lamang ito.
Si Lasco ay dinukot noong August 30, 2021 sa loob ng kanyang bahay sa San Pablo, Laguna.










